DOH, bumili ng overpriced mobile phones at iba pang equipment para sa kanilang mga ambulansiya
Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na bumili ang Department of Health (DOH) ng mga overpriced mobile phones at iba pang equipments para sa kanilang mga ambulansiya.
Kasama sa binili ng DOH ang dalawang set ng mobile phones na may simcard para sa ambulansiya na aabot sa 30,000 piso.
Mas mahal ito ayon sa Senador kumpara sa kaparehong unit na binili ng local government units para sa kanilang ambulansiya na aabot lang sa 7,998 o mas mababa ng 73% kumpara sa presyo ng DOH.
Bukod pa rito ang dashboard camera na aabot sa 15,000 piso pero ang retail price ay nagkakahalaga lang ng 4,500 o mas mahal ng 10,500 piso.
Bumili rin aniya ang DOH ng stretchers na nagkakahalaga ng 23,800 piso kada piraso samantalang ang presyo nito sa merkado ay aabot lang sa 21,200 pesos.
Kuwestyon ng Senador, bakit hindi ito pinaiimbestigahan ni Health Secretary Francisco Duque III.
Mas lumilinaw ayon sa Senador na may mafia sa DOH na nagsasamantala sa pondo ng taumbayan.
Noong nakaraang buwan, nauna nang ibinunyag ng Senador ang mga biniling ambulansya ng DOH na overpriced ng mahigit isang milyong piso.
Meanne Corvera