DOH CALABARZON itinanggi ang sinasabing pagbili ng overpriced na mga ambulansya at equipment

Pinabulaanan ng DOH CALABARZON ang sinasabing pagbili ng regional office ng overpriced na mga ambulansya at equipment noong 2019.

Sa sulat ni DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo kay Health Sec. Francisco Duque III, sinabi na walang batayan ang paratang ni Sen. Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na overpriced ang mga biniling ambulansya at iba pang medical equipment ng tanggapan.

Paliwanag ng opisyal, ginamit ng Bids and Awards Committee ang Lot o Package Category na may aprubadong budget para sa kontrata na Php 245,000,000.

Ibig sabihin aniya ay hindi ito line item kaya sinuri ng Bids and Awards Committee ang kabuuan ng bid price at hindi ng mga individual items.

Ayon pa kay Janairo, tumuon ang BAC sa warranty, certification, licenses, technical support at additional insurance na kasama sa total bid price para sa isang ambulance at accessories nito at hindi sa presyo ng bawat isang medical device at equipment.

Courtesy: DOH CALABARZON

Sinabi ni Janairo na iginawad ang kontrata sa lowest calculated bid na nagkakahalaga ng Php 2,298,000 kada unit at ikinonsidera ang lahat ng legal, financial at published technical specifications ng medical devices at iba pang equipment na kailangang ikabit sa ambulansya.

Ipinunto pa ng regional director na sa 16 na Center for Health Development ang CALABARZON ang pang-apat sa may lowest bid price para sa ambulansya.

Matapos din ang ginawang pagsusuri ng DOH CALABARZON sa mga dokumento na isinumite ng lahat ng prospective bidders sa buong bansa ay lumalabas na halos lahat ng mga bid ng mga participant ay nagkakahalaga ng Php 2.19 million hanggang Php 2.4 million.

Iginiit ni Janairo na mahigpit na sinunod ng Center for Health Development-CALABARZON ang mga probisyon sa procurement law sa pagbili ng mga kagamitan.

Present din aniya ang Commission on Audit sa lahat ng bahagi ng proseso kaya walang Audit Observation Memorandum o COA findings sa nasabing procurement.

Nilinaw pa ng DOH CALABARZON na nai-turnover na sa 98 recipients na LGUs ang kumpletong 30 equipment at ito ay pinapatunayan ng COA.

Hanggang ngayon din aniya ay walang natatanggap ang regional office na mga reklamo o reported malfunction ng mga kagamitan at ambulansya.

Umaasa ang opisyal na malilinawan si Lacson na walang overpricing ng mga ambulansya at equipment at ito ay natanggap at nagagamit na ng mga LGUs sa pagsagip ng mga buhay.

Moira Encina

Please follow and like us: