DOH, dapat din na tutukan ang iba pang problemang pangkalusugan sa bansa kahit abala sa Covid-19
Bagamat nakatutok ang Department of Health (DOH) sa banta ng Coronavirus Disease (Covid-19) hindi naman umano dapat maisantabi ang iba pang problemang pangkalusugan na maaaring mas delikado lalo na sa mga bata.
Isa rito ayon kay Philippine Foundation for Vaccination (PFV) executive director Dr. Lulu Bravo ay ang isyu sa Pneumonia na isa sa itinuturing na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang nasa edad limang taon pababa.
Isa sa iminumungkahi ng PFV sa DOH ay ang pagsasagawa ng pag aaral sa mga anti-pnuemonia vaccine na PCV 10 at PCV 13.
Dr. Lulu Bravo, Executive Director – Philippine Foundation for Vaccination (PFV):
“Kailangan ba natin ng PCV10 o PCV13? Maliit lang yan sa proportion ng magiging dahilan para maging ligtas ang mga batang yan. Marami pa tayong pwede gawin upang mailigtas yung 39 na namamatay araw-araw. Meron mga bansa na nagpalit din ng pcv pero tinitignan nila ang impact..Ang problema satin, magkaroon ng PCV10, walang impact study. Magkaroon ng PCV13, wala ring impact“.
Dagdag pa ni Bravo, sa Rotavirus ginagawa ang impact study at doon nakikita nila na nababawasan ng 50 porsyento ang bilang ng mga naoospital dahil sa pagtatae.
Una ng kinuwestyon ni dating Health Secretary at Iloilo Cong. Janette Garin ang desisyon ng DOH na suspendihin ang bidding para sa PCV-13 vaccine at payagan payagang ang bidding para sa PCV-10.
Simula noong 2014 ayon sa mambabatas ay PCV-13 na ang ginagamit ng DOH na nagbibigay proteksyon sa mga bata mula sa 13 uri ng Pneumococcal bacteria.
Habang ang PCV-10 vaccine aniya ay laban lamang sa 10 uri ng bacteria.
Ayon kay Public Accounts Committee Chair Mike Defensor hihintayin lang nilang matapos ang issue sa Covid-19 at isusunod naman nilang tatalakayin ang isyu sa Anti-Pneumonia vaccines.
Sa kabila nito, naniniwala naman si Bravo na hindi lang dapat sa pagbibigay ng bakuna kontra pneumonia nakatutok ang gobyerno kundi maging sa pagsusulong ng tinatawag na health care na siyang mas mahalaga.
“Maraming namamatay dahil walang gamot, walang medical facilities doon sa area nila. Walang oxygenation, wala minsang amoxicillin, wala minsang mga doctor. Yun po ang karamihang kadahilan kung bakit sila namamatay”.
Ayon sa World Health Organization (WHO), halos isang milyon ng mga bata na nasa edad 5 taon pababa ang namatay dahil sa pneumonia sa buong mundo noong 2015 lamang.
Ang palagiang paghuhugas aniya ng kamay ay isa sa paraan para makaiwas sa Pneumonia.
Ulat ni Madelyn Moratillo