DOH, hindi magrerekomenda ng Total Travel ban kasunod ng mga bagong variant ng COVID-19
Hindi magpapatupad ng Total Travel ban ang pamahalaan sa kabila ng may mga lumalabas na ngayong bagong variant ng COVID-19.
Paliwanag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kailangan nilang ibalanse ang kalusugan at maging ekonomiya ng bansa.
Kahit sa ibang bansa aniya walang nagpatupad ng travel ban dahil sa UK variant.
Paliwanag ng opisyal, hindi maaiwasan ang pagkakaroon ng variant ng COVID-19 kaya ang kailangan ay mag-adapt rito.
Hindi naman aniya maaaring naka-total ban na lang ng mahabang panahon.
Kaya naman mas pinalalakas aniya nila ang Biosurveillance at istriktong pagpapatupad ng mga protocol lalo sa mga pumapasok sa bansa.
Lahat aniya ng mga pasaherong papasok sa bansa mula sa ibang bansa ay isasalang sa Swab test.
Ang magpopositibo ay isasalang naman sa Genome Sequencing.
Sa kabila naman ng pagkakaroon ng pinoy na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 dito sa bansa, tiniyak ng DOH na hindi mababago ang patakaran na lahat ng Filipino saan mang bansa galing at nais umuwi sa bansa ay papasukin.
Malinaw aniya ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang Pinoy ang hindi papasukin sa kanyang sariling bansa.
Madz Moratillo