DOH, hindi pa inirerekomenda ang booster shots kahit sa mga health worker
Nilinaw ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na hindi pa nila inirerekomenda ang booster shot ng Covid-19 vaccine kahit maging sa mga health worker.
Ito ang iginiit ni Vergeire kasunod ng ulat na sa Thailand ay daan-daang healthcare workers na naturukan ng Covid-19 vaccine ng Sinovac ang tinamaan pa rin ng Covid 19.
Batay sa mga ulat, pinag-aaralan na umano sa Thailand at Indonesia ang booster shot para sa kanilang health workers na naturukan ng Sinovac vaccine.
Pero ayon kay Vergeire, sa ngayon ay wala pang mapanghahawakang ebidensya patungkol sa booster shots.
Habang wala pa aniyang mga ebidensya hindi nila ito irerekomenda.
Umapila naman si Vergeire sa publiko na magkaroon ng kumpiyansa sa mga bakuna na mayroon dito sa bansa.
Ayon kay Vergeire, maraming health worker sa bansa ang naturukan ng Sinovac vaccine.
Kung pagbabatayan ang mga datos, makikita na bumaba na ang infection rate at maging bilang ng nasasawi sa kanilang hanay.
Sa ngayon, prayoridad muna aniya ng gobyerno na mabakunahan kontra Covid-19 ang mas maraming Filipino.
Sa datos ng DOH, sa ngayon ay nasa 132 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa hanay ng mga health worker.
Hindi na rin nadagdag ang 100 bilang ng mga nasawi dahil sa Covid-19.
Madz Moratillo