DOH hinimok ang mga magulang na huwag matakot na pabakunahan ang mga anak; School-based immunization program laban sa HPV infection, inilunsad
Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na huwag itigil ang pagpapabakuna sa kanilang mga anak sa harap ng kontrobersya ng anti-Dengue vaccine na Dengvaxia.
Ang panawagan ay ginawa ng DOH sa muling paglulunsad nito ng school-based immunization program laban sa Human Papillomavirus o HPV.
Hinimok ni Dr. Corazon Flores, OIC Regional Director ng DOH-NCR, ang mga magulang na huwag matakot na pabakunahan ang mga anak laban sa mga regular na bakuna gaya ng kontra sa tigdas, hepatitis at polio.
Kabilang anya dito ang bakuna kontra HPV na mahigit isang dekada ng subok at dumaan sa madaming pagsusuri at pag-aaral bago snilabas at sinimulang ibakuna.
Aminado ang DOH official na natigil ang HPV program dahil sa pangamba na idinulot ng Dengvaxia issue.
Sa datos ng DOH, sa Pilipinas mahigit 6,000 bagong kaso ng cervical cancer ang nada-diagnosed kada taon kung saan ang HPV infection ang iniuulat na pangunahing sanhi ng cervical cancer sa mga kababaihan.
Ayon naman sa World Health Organization (WHO), ang cervical cancer ang ikalawang sanhi ng mga cancer-related death sa bansa.
Ulat ni Moira Encina