DOH hirap sa recruitment ng mga pasyente para sa Avigan trial
Aminado ang Department of Health na nahihirapan sila sa recruitment para sa Avigan trial.
Sa virtual press conference ng DOH, sinabi ni Health Usec M.a Rosario Vergeire na nahihirapan sila sa pag recruit ng pasyenteng makakasama sa trial dahil kumokonti na ang mga COVID-19 patient ngayon.
Idagdag pa aniya na ang ibang pasyente ay kasali sa iba pang clinical trial na ginagawa rin sa bansa.
Kabilang rito ang trial para sa Virgin Coconut Oil o VCO, at mga trial para sa iba pang gamot gaya ng remdesivir, interferon at acalabrutinib.
Para sa Avigan trial ay 100 pasyente ang kailangan.
Para naman matugunan ang kailangang bilang ng pasyente isa sa tinitignan nilang posibilidad ay dagdagan ang bilang ng mga ospital na kasama sa trial para makakalap ng mas maraming pasyente.
Sa ngayon ay sa 4 na ospital ang kasama sa Avigan trial, ito ay sa Philippine General Hospital, Sta. Ana Hospital, Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Medical Center.
Pero sakaling gawin ito, kailangan aniyang I-revise ang guidelines at magkaron na naman ng delay sa pagsisimula ng trial.
Madz Moratillo