DOH iginiit na mababa ang posibilidad na maging Pandemic rin ang Marburg disease virus
Bagamat posible, iginiit ng isang opisyal ng Department of Health na sa ngayon ay mababa pa ang posibilidad na maging isang Pandemic rin ang Marburg disease virus kagaya ng sa Covid- 19.
Paliwanag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang virus na ito ay maaaring makuha mula sa mga fruit bat.
Bagamat mayroon ng mga ganitong uri ng paniki sa bansa, mas madalas aniya itong makita sa mga bansa sa Africa.
Ayon kay Vergeire, mahaba ang incubation period ng virus na ito kaya naman mas malaki ang tsansa ng human transmission nito.
Statement, Health Usec Ma Rosario Vergeire:
“Sana di naman magkaroon. Though may warning ang experts. Mahaba kasi ang incubation period nito. By having that, mas malaki ang chance na maglipat lipat sa tao thru secretion. Andyan ang posibilidad. Pero sa ngayon ang threat napakababa”.
Ayon sa World Health Organization, ilan sa sintomas ng Marburg disease ay mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, at pananakit ng mga kalamnan.
Pagdating naman ng ikatlong araw, ang isang taong infected nito ay nakararanas ng severe watery diarrhea, pananakit ng tyan, nausea at pagsusuka.
Nagkakaroon rin umano ito ng rashes sa katawan sa ikalawa o 7 araw mula ng makaranas ng sintomas.
Ang Marburg virus disease ayon sa WHO ay mula sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng Ebola at may 88% fatality ratio.
Sa Guinea, kinumpirma ng Health Officials roon ang unang kaso ng Marburg disease sa West Africa, matapos makumpirma na ang virus na ito ang dahilan ng pagkasawi ng isang lalaki.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng contact tracing upang matukoy ang mga nagkaroon ng close contact sa nasabing pasyente at mapigilan ang pagkalat ng virus.
Madz Moratillo