DOH iginiit na wala silang pinapaboran sa pagbili ng mga PPE
Nanindigan ang Department of Health na wala silang pinapaboran pagdating sa usapin ng suplay ng mga personal protective equipment.
Una rito sa pagdinig ng Senado ay lumabas na maraming nawalang trabaho sa local garments industry matapos sa ibang bansa bumili ng mga PPE ang Pilipinas lalo na sa China.
Ayon sa DOH, ang Procurement Service ng Department of Budget and Management ang nagsisilbing procuring arm ng DOH para sa mga PPE at iba pang mga kinakailangan gamit para sa COVID 19 pandemic.
Ang papel umano ng DOH ay magbigay lamang ng technical specifications para sa PPE at iba pang kailangang equipment.
Ayon sa DOH, nauunawaan nila ang mga naging epekto ng COVID-19 pandemic sa garments industry.
Nitong nakalipas na taon, nakipagtulungan umano ang DOH at Department of Trade and Industry sa garment industry associations at mga pribadong kumpanya para sa local production ng mga PPE.
Magkakaroon rin umano ng kolaborasyon ang DOH kasama ang DTI at garments industry para sa mga karagdagang order ng mga locally-made na mga PPE.
Madz Moratillo