DOH, inamin Sa Kongreso na wala pang bakuna ang Pilipinas laban sa Dengue
Wala pa ring bakuna ang bansa kontra Dengue.
Ito ang nilinaw ni Health OIC Secretary Maria Rosario Vergeire sa mga mambabatas sa budget briefing ng Department of Health ( DOH ) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Vergeire, kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng DOH kung ano ang pinakamainam na bakuna para sa mga bata kontra Dengue.
Aniya, sakali mang may matukoy na bakuna laban sa dengue ay kailangan pa rin itong dumaan sa regulatory process.
Ito ang sagot ni Vergeire sa tanong ni Zamboanga Congressman Wilter Palmar kung ano ang aksyon na ginagawa ng ahensya para tugunan ang tumataas na kaso ng dengue at kung kasama rito ang pagbabakuna.
Ayon pa sa opisyal, sa nakalipas na dalawang linggo ay nakapagtala ng pagtaas sa kaso ng dengue sa bansa na lagpas na sa epidemic threshold.
Niliwanag ni Vergeire na pinakilos na ng DOH ang mga Local Government Unit (LGUs) at iba pang sektor sa pagpapatupad ng kanilang 4S Kontra Dengue upang suyurin at sirain ang pinamumugaran ng lamok, protektahan ang sarili laban sa lamok, sumangguni agad sa pagamutan kung may sintomas ng dengue at suportahan ang fogging o spraying kapag may banta ng dengue outbreak.
Vic Somintac