DOH inihayag na sa halos 2 libong sample na isinailalim sa genome sequencing, 2% lamang ang nagpositibo sa UK Variant
Dalawang porsyento lamang sa 1 945 samples na isinailalim sa sequencing ng Philippine Genime Center ang nagpositibo sa UK variant ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, epidemiologist mula sa Department of Health, mayorya ng mga sample na ito ay mula sa Cordillera Administrative Region, Region 2 at National Capital Region habang ang 56 samples ay mula naman sa hanay ng returning OFWs.
Bagamat may mga sample rin mula sa Visayas at Mindanao na naisasailalim sa genome sequencing, limitado palang aniya ito dahil sa problema sa tranportasyon.
Sa mga natukoy na UK variant case, 28 ang local cases kung saan ang 14 ay konektado sa Bontoc cluster habang ang 2 ay sa La Trinidad cluster habang ang iba ay patuloy pang iniimbistigahan.
Ang magandang balita naman ayon kay de Guzman, batay sa kanilang imbestigasyon nakita na minimal lamang ang naging transmission ng uk variant dito sa bansa.
Katunayan, sa Bontoc at La Trinidad lamang aniya nagkaroon ng transmission at naging malaking tulong ang maagap na isolation at quarantine sa kanila.
Ayon kay de Guzman, sa 44 UK variant case sa bansa, 40 na ang nakarekober, 3 nalang ang aktibong kaso habang 1 ang nasawi.
Maliban sa UK variant, ilan sa binabantayan ngayon upang masigurong hindi makakapasok sa bansa ay ang variant mula sa South Africa na kumalat na rin sa iba pang bansa at ang variant na mula naman sa Brazil.
Ayon sa mga eksperto ang 3 variant na ito ay nagpapabilis ng transmission ng virus.
Pero pagtiyak ni Dr. Cynthia Saloma, executive director ng Philippine Genome Center, epektibo parin laban sa mga ito ang mga nadevelop na covid 19 vaccines.
Madz Moratillo