DOH , inilatag ang mga preparasyon para masigurong hindi makakapasok sa bansa ang monkeypox
Bagamat wala pang kaso ng monkeypox sa bansa, naglatag na rin ng mga preparasyon ang Department of Health para masigurong hindi ito makakapasok sa bansa.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Chief Dr. Alethea de Guzman, bagamat wala pang rekumendasyon para sa travel ban sa mga bansang may kaso na ng monkeypox, magpapatupad naman ang bansa ng mahigpit na border control.
Ang monkeypox ay isa narin aniyang notifiable disease, ibig sabihin, ang mga pinaghihinalaang mayroon nito, kailangang i-report at agad isailalim sa RT PCR test o whole genome sequencing.
Isasailalim din sila sa quarantine o isolation.
Ayon kay Dr Marissa Alejandria, ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, ang monkeypox ay isang viral zoonotic disease na karaniwang natataguan sa Africa at iba pang tropical rainforest regions.
Maaari itong mailipat sa tao mula sa hayop, o pwede rin naman ang human to human transmission.
Naililipat aniya ito sa pamamagitan ng respiratory droplets o exposure sa isang bagay na kontaminado ng virus.
Pwede itong makapasok sa mata,bibig o sugat.
Ilan sa mga hayop na pinagmumulan ng virus na ito ay ang unggoy, squirrel at African o Gambian pouched rat na wala naman aniya sa Pilipinas.
Ang incubation period nito ay nasa 5 hanggang 21 araw Karaniwang unang sintomas nito ay mataas na lagnat at kulani na sinusundan ng matinding pananakit ng ulo, chills, pananakit ng likod, panghihina at madaling mapagod, rashes na lumalaki at nagkakaroon ng tubig sa loob.
Ayon kay Alejandria, batay sa mga pag-aaral, ang monkeypox ay may death rate na 10%.
Payo ni Alejandria, para maiwasan ito mahalaga ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, tiyaking nilutong mabuti ang pagkain na may halong Karne ng hayop at umiwas sa mga wild animal lalo na sa mga natatagpuang may sakit o Patay na hayop.
Paalala naman ng DOH at health experts sa publiko, huwag magpanic dahil nananatili paring mas nakakahawa ang COVID- 19.
Madelyn Villar-Moratillo