DOH inirekumenda na kay Pangulong Marcos ang pagpapalawig ng State of Calamity dahil sa COVID- 19
Kinumpirma ni Health OIC Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na inirekumenda na nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng State of Calamity dahil sa COVID- 19.
Ayon kay Vergeire, nakausap niya mismo ang Pangulo para sa pagpapalawig sa nasabing proklamasyon na mapapaso na sa susunod na buwan.
Kasama rin aniya sa binanggit niya sa Pangulo ang pag amyenda sa Republic Act 11525 o ang Covid 19 Vaccination Program Act of 2021 para maisama na rin ang kunsiderasyon sa state of calamity.
Ipinaliwanag ni Vergeire na maraming kailangang ikunsidera sa pagpapalawig ng state of calamity dahil ang mga bakuna kontra COVID-19 na ginagamit ngayon sa bansa ay nakabatay sa Emergency Use Authorization lamang.
Sa ngayon, isang vaccine manufacturer pa lang aniya ang nag-aplay ng Certificate of Product Registration sa Food and Drug Administration.
Ito ang Janssen vaccine ng Johnson and Johnson.
Madelyn Villar-Moratillo