DOH: iwasan ang outdoor activities mula 10am hanggang 4pm
Kasabay ng suspensyon ng mga klase dahil sa matinding init, nagpaalala ang Department of Health sa mga mag-aaral at guro na iwasan ang labis na exposure sa araw at maayos na itakda ang mga outdoor school.
Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, ang pinakamainit na oras sa isang araw na dapat iwasan ay sa pagitan ng alas-diyes ng umaga at alas-kwatro ng hapon.
Maaari aniyang itakda ang outdoor activities sa umaga o sa hapon at huwag nang itapat sa tanghali.
Sinabi pa ni Domingo na bagama’t makakatulong ang air conditioning para manatiling malamig, sapat na ang manatili sa isang lugar na may maayos na air flow at sapat na lilim kung walang air conditioning.
Idinagdag pa niya na hindi kailangang tuloy-tuloy ang trabaho ng mga nasa arawan at maaaring magkaroon ng 15 hanggang 20 minutong pahinga sa isang lugar na may lilim, malamig na hangin, at may maiinom na tubig.
Inirekomenda din ng DOH ang pagsusuot ng mga protective gear tulad ng wide-brimmed hats at pagdadala ng pamaypay para malabanan ang init.