DOH, kinalampag ang mga ahensiya ng gobyerno kasunod ng nangyaring overcrowding sa Dolomite beach
Kinalampag ng Department of Health ang mga ahensya ng gobyerno matapos ang nangyaring overcrowding sa Manila Baywalk Dolomite Beach nitong weekend.
Giit ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire, isa itong malinaw na paglabag sa mga inilatag na patakaran ng Inter-Agency Task Force Against Covid-19 ngayong nasa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Health Usec Ma Rosario Vergeire:
“Meron pong naitalaga na protocols ang IATF kung ano po ang dapat buksan. Sinabi na kapag Alert Level 3 ang outdoors natin dapat 50 percent capacity. Yung nakita po natin nung weekend hindi po ‘yun 50 percent capacity“.
Binigyang- diin ng health official na responsibilidad ng mga ahensya ng gobyerno na tumulong sa pagpigil sa mga ganitong mass gathering.
“Ang ating mga ahensya may responsibilidad kayo to prevent these mass gatherings kasi kung ganito lang po ang mangyayari sa’tin babalik po tayo sa dating paghihigpit at ayaw po natin lahat yan. I call on all our national agencies, whatever was discussed in IATF, whatever safety protocols we’re now implementing this is for the good of our population. Kailangan ipatupad po natin yun. Kung nakikita nating hindi kaya katulad ng sinasabi ng official masyadong madami hindi kaya ipatupad, let’s regulate that. Baguhin po natin siguro ang proseso pero kailangan po makatulong po namin kayong lahat para mapigilan ang pagtaas ng kaso dito sa NCR and even other parts of the country”.
Umapila naman si Vergeire sa publiko na kung makitang marami ng tao sa Dolomite Beach ay huwag ng tumuloy at bumalik na lang sa ibang araw.
Sa datos ng Manila Police District, umabot sa mahigit 60,000 katao ang bumisita sa Dolomite Beach nitong Linggo lamang.
Ang Manila Baywalk Dolomite Beach ay bukas araw araw mula 8:00 am hanggang 11:00 am at 3:00 pm hanggang 6:00 pm.
Madz Moratillo