DOH, kinumpirma na may mga bagong kaso ng variant ng COVID-19 na nakapasok na sa bansa
Kinumpirma ng Department of Health na may mga bagong kaso ng variant ng COVID- 19 ang nakapasok na sa bansa.
Ito ang Omicron XBB subvariant at XBC variant.
Ayon kay DOH OIC Maria Rosario Vergeire, batay sa pinakahuling genome sequencing, may 81 XBB variant ang naitala sa Western Visayas at Davao Region.
Pero ang 70 sa kanila nakarekober na, patuloy namang naka isolate pa ang 8 habang bineberipika naman ang kalagayan ng 3.
Habang may 193 namang kaso ng XBC variant ang naitala, pero nakarekober na ang 176 sa kanila 3 ang naka isolate pa, bineberipika naman ang 9.
May 5 namang tinamaan ng XBC variant ang nasawi.
Ang mga kaso ng XBC natukoy sa Cagayan Valley, Western at Central Visayas, Davao Region, SOCKSARGEN, CALABARZON, MIMAROPA, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, CARAGA at National Capital Region.
Ayon kay Vergeire, ang XBB subvariant ang sinasabing dahilan ng pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Singapore pero wala namang sapat na ebidensya na magsasabing nagdudulot ito ng malalang sakit.
Ayon naman aniya sa Centers for Disease Prevention and Control, ang mga sintomas ng XBB ay tulad ng kumakalat na orihinal na Omicron variant.
Ito ang lagnat,ubo, hirap sa paghinga, pananakit ng katawan at ulo pagkawala ng panlasa at pang amoy pananakit ng lalamunan, sipon, pagsusuka at pagtatae.
Ang XBC variant naman ay idineklara ng Health Security Agency ng United Kingdom bilang variant under monitoring and investigation.
Sinasabing ito ay recombinant ng Delta at BA.2 variant.
Kahit ang World Health Organization ay patuloy parin aniya sa pag-aaral sa bagong variant na ito at maging ang epekto nito sa kalusugan.
Pero ayon kay Vergeire, batay na rin sa naging karanasan sa ibang bansa nakitang mas mabilis makahawa ang mga variant na ito.
Paalala naman ng mga eksperto, para makaiwas sa mga bagong variant na ito, palaging magsuot ng face mask, magpabakuna at magpabooster na.
Nagbabala naman ang DOH sa posibilidad na umabot sa 18,000 ang arawang kaso ng COVID- 19 sa bansa pagsapit ng Nobyembre.
Madelyn Villar- Moratillo