DOH magdedeklara ng Dengue Outbreak
Nakatakdang magdeklara ng Dengue outbreak ang Department of Health kasunod ng tumataas na kaso ng sakit sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, nasa outbreak level na ang dengue cases.
Pero ayon sa DOH, may awtoridad namang magdeklara ng local outbreak ang mga lokal na pamahalaan.
Sa monitoring ng DOH, mula Enero hanggang Agosto 10, pumalo na sa 150,354 ang kaso ng dengue sa buong bansa.
Mas mataas ito ng 39% kaysa 107,953 cases na naitala sa parehong panahon noong 2023.
Pero ayon sa DOH, nagkaroon naman ng bahagyang pagbaba sa mga kaso nitong nakalipas na linggo.
Nitong Hunyo 30 hanggang Hulyo 13 nakapagtala ng 23,290 pero bumaba naman ito mula Hulyo 28 hanggang Agosto 10 kung saan 13, 369 ang naitala.
Sa kabila ng mataas na kaso, bumaba naman ang bilang ng nasawi dahil sa dengue kung saan mula sa 421 sa parehong panahon noong 2023,nakapagtala lang ng 396 ngayong taon.
Nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ang halos lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Socksargen, Zamboanga peninsula at Bicol nitong nakalipas na 3 hanggang 4 na linggo.
Madelyn Villar – Moratillo