DOH maglalagay ng mga vaccination booth sa lahat ng polling precints sa araw ng eleksyon
Magtatayo ang Department of Health ng mga Covid-19 vaccination booth sa lahat ng polling precints sa buong bansa, bukas, May 9, sa araw ng halalan.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, magiging available sa vaccination booth ang first, second dose at booster shot.
Aniya, matapos bumoto ay maaaring dumiretso ang mga botante sa mga bakunahan kung hindi pa sila naturukan ng booster dose maging ang mga hindi pa nakatatanggap ng ikalawang dose o mga hindi pa talaga nababakunahan.
Tiniyak naman ng health official na magiging maayos ang bakunahan sa mga polling place kasunod ng naging pagpupulong nila sa Commission on Elections.
Nagdagdag na rin sila ng mga tauhan mula sa kanilang regional offices upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng minimum public health at safety protocols sa araw ng halalan.
Maliban sa mga vaccination site, maglalagay din ang DOH ng mga health station sa mga polling precint na aasiste naman sa mga botanteng magkakaroon ng health emergencies gaya ng biglaang pagkahilo o makikitaan ng mga sintomas ng Covid-19.