DOH, may apila sa mga indibidwal na nagpapa-double vaccine gamit ang magkaibang brand ng bakuna
Umapila si Health Usec Ma Rosario Vergeire sa mga fully vaccinated na magmalasakit din sa iba at huwag ng magpabakuna ulit.
Ito ang panawagan ng Department of Health sa mga indibiwal na nagpapabakuna parin gamit naman ang ibang brand ng Covid 19 vaccine kahit fully vaccinated na.
Una rito, napaulat na may isang indibiwal ang nabakunahan ng 2 dose ng Covid 19 vaccine ng Sinovac sa Mandaluyong noong Mayo pero ngayong linggong ito, nagpabakuna ulit sya gamit naman ang bakuna ng Moderna pero sa ibang lungsod naman.
Ayon kay Vergeire, hanggang ngayon ay hindi parin inirerekumenda ng DOH ang booster shot.
Bukod sa kakulangan pa ng sapat na suplay, wala pa aniyang sapat na datos at mga ebidensya hinggil rito.
Aminado si Vergeire na walang legal na hakbang na maaaring gawin ang DOH laban sa mga ganitong indibiwal.
Kahit naman lumabag sa pamantayan ng pagbabakuna, tiniyak ni Vergeire na imomonitor nila itong mabuti sakaling makaramdam ng adverse reaction.
Sa Estados Unidos pinayagan na ng Food and Drug Administration ang booster shot ng Covid 19 vaccine pero ito ay para sa mga may mahinang immune system lamang.
Ito ay bilang karagdagang proteksyon para sa kanila sa gitna narin ng banta ng Delta variant.
Dito sa Pilipinas, matatandaang una ng inamin ni San Juan Cong. Ronaldo Zamora na maliban sa 2 dose ng Sinopharm vaccine ay nagpaturok rin sya ng 2 booster shot ng Pfizer vaccine.
Ito ay sa payo na rin aniya ng kaniyang doktor dahil sya ay immunodeficient.
Madz Moratillo