DOH may paalala sa mga kandidatong nangangampanya ngayong nasa Alert level 1 na ang NCR at iba pang lugar sa bansa
Pinaalalahanan ng Department of Health ang mga kandidato para sa May 9 elections na iwasan ang malalaking pagtitipon sa kanilang pangangampanya.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire ito ay para hindi naman maging super spreader event ang mga nasabing pagtitipon.
Giit ni Vergeire, nasa kamay ng mga kandidato at kanilang supporters ang paraan para maingatan ang kanilang sarili at hindi maging dahilan ng pagkalat ng virus.
Kahit nasa Alert level 1 na, huwag parin aniyang kalimutan ang pagsunod sa health protocols.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga kandidato na mahilig magtanggal ng face mask tuwing nagsasalita, dahil ang COVID-19 ay naikakalat aniya sa pamamagitan ng droplets.
Kung magtutulungan aniya ang mga kandidato, mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng pamahalaan ay maiiwasan ang mga super spreader event at mapapanatili ang mababang kaso ng COVID- 19 sa bansa.
Ipinauubaya naman ng DOH sa Commission on Elections at Department of Interior and Local Government ang pagsita sa mga pasaway na kandidato.
Madz Moratillo