DOH may paalala sa mga nananatili sa evacuation centers para masigurong makakaiwas sa covid 19
Bagamat tapos na ang pananalasa ng Bagyong Ulysses, marami paring mga kababayan natin ang nananatili ngayon sa mga evacuation center.
Kaya naman ang Department of Health may paalala sa mga kababayan natin upang kahit nasa evacuation center ay masiguro parin ang kanilang kaligtasan mula sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, dapat tiyakin na may suot na face mask sa lahat ng pagkakataon.
Pero sa pagsusuot ng face mask dapat na tiyaking hindi ito basa.
Paliwanag ni Vergeire kapag basa ang face mask ay nababawasan ang effectivity nito.
Payo ng opisyal sa mga LGU tiyaking may mga ipinamamahaging face mask sa mga evacuation center para nakakapagpalit naman ng mask ang mga evacuee.
Pinayuhan rin ni Vergeire ang mga LGU na tularan ang ginawa ng Marikina na sa isang classroom bagamat sama sama ang mga evacuee ay may kanya kanyang tent naman para sa bawat pamilya.
Malaking bagay aniya ito para makaiwas sa COVID-19.
Nagpaalala rin ang opisyal na dapat tiyaking mayroong safety officer na nakalaga sa mga evacuation center upang regular na mamonitor ang mga evacuee na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 upang agad itong maihiwalay.
Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng ventilation sa mga evacuation center para makapagcirculate ang hangin.
Madz Moratillo