DOH: Mental health ng mga kabataan, isa sa dahilan ng pagpayag ng gobyerno na palabasin na sila
Dahil sa physical at mental health issues ng mga menor de edad kung kaya’t inirekomendang palabasin na ang mga ito.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na batay sa naging pag-aaral, nakaapekto sa emosyon at pag-iisip ng mga bata ang nararanasang Pandemya idagdag pa ang ipinatutupad na community quarantine lockdown.
Gayunman, nananatili aniya ang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi pa rin maaaring isama ang mga kabataan sa mga matataong lugar at makisalamuha sa ibang mga tao dahil nasa paligid pa rin ang panganib na dala ng Covid-19.
Batay sa guidelines ng IATF, pinahihintulutan nang makapunta ang mga bata sa mga outdoor area pero limitado lamang ito sa parks, playgrounds, beaches, biking at hiking trails.
Ang malls at establisimyentong kagaya nito ay hindi kasama sa pinapayagang lugar para sa mga bata.
Dapat ding may kasama ang mga bata na nakatatanda, magulang o guardian upang masunod pa rin ang minimum health standards.
Samantala, pinapayagan naman ang mga lokal na pamahalaan na baguhin ang age restriction sa mga bata, depende sa sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang lugar.