DOH muling iginiit na wala pang UK variant ng COVID-19 na nakakapasok sa bansa
Muling nilinaw ng Department of Health na wala paring natutukoy na UK variant ng COVID-19 dito sa bansa.
Ang paglilinaw ng DOH ay kasunod ng kumalat na balita sa social media na may na detect ng UK variant sa Metro Manila.
Sa isang statement, sinabi ng DOH na batay narin sa pinakahuling pagsusuri ng Philippine Genome Center ay wala parin silang nakikitang UK variant o anumang bagong variant ng COVID-19 sa mga positive sample na kanilang sinuri.
Tiniyak naman ng DOH ang kanilang mahigpit na monitoring at mas pinalakas rin umano nila ang kanilang bio surveillance efforts kasunod ng mga banta ng bagong variant ng virus.
Kasabay nito, umapila ang DOH sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon sa publiko dahil maaari lamang itong magdulot ng panic at pagkalito.
Muli ring pinaalalahanan ng DOH ang publiko sa pagsunod sa Minimum Public Health Standards na pinakamabuti at epektibong paraan para labanan ang COVID-19.
Ayon sa DOH ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagkakaroon ng physical distancing at regular na paghuhugas ng kamay ay nakakatulong para mapababa ang transmission rate ng COVID-19 at mabawasan ang panganib ng mutation ng virus.
Una rito, sinabi ni Health Usec Ma. Rosario Vergeire na may 3 variant ng COVID-19 silang binabantayan ngayon.
Ito ang mula sa United Kingdom, South Africa at ang bagong natukoy na variant sa Malaysia.
Kaya naman para makasiguro na walang nakakapasok sa mga nasabing variant ng COVID-19 dito sa bansa ay patuloy ang ginagawang sequencing ng Philippine Genome Center sa mga nakukuhang positive sample at mas pinalawak na rin nila ito hanggang Visayas at Mindanao.
Madz Moratillo