DOH nababahala na rin sa pagtaas ng kaso ng Severe Covid-19 infection sa mga mas batang populasyon
Nababahala na ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng bilang ng mga nasa mas batang edad na tinatamaan ng severe o malalang Covid -19 infection.
Kaya naman ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, isa sa kanilang inirekomenda sa Inter-Agency Task Force Against Covid 19 ay tingnan ang mga industriya sa National Capital Region na maaaring magpatupad ng work from home arrangements.
Umaasa si Vergeire na masisimulan na rin ang pagbabakuna sa mga essential worker.
Kung titingnan aniya ang datos, pinakamarami sa mga tinatamaan ng virus ay nasa 20 hanggang 40 anyos.
Ang mga nasa age group na ito kasi aniya ang madalas lumabas para mamili ng pangangailangan o para pumasok sa trabaho.
Sa datos ng DOH, sa mga nasa edad 25 hanggang 29 naitala ang pinakamaraming Covid-19 cases na nasa 55,991 sa mga kababaihan habang 63,849 naman sa mga kalalakihan.
Pinakamarami naman sa mga nasawi ay nasa edad 80 pataas sa mga kababaihan habang nasa edad 65 hanggang 69 anyos naman sa mga kalalakihan.
Umaasa naman ang DOH na darating na sa lalong madaling panahon ang mga bakuna ng Astrazeneca mula sa COVAX Facility para mas marami pa ang mabakunahan lalo na sa hanay ng mga Senior Citizen.
Ang Astrazeneca vaccine pa lamang kasi ang pwedeng iturok sa kanila dahil ang bakuna ng Sinovac ay pwede lang sa nasa edad 18 hanggang 59 anyos.
Aabot sa mahigit 900,000 doses ng Astrazeneca vaccines ang inaasahang darating hanggang Mayo mula sa Covax facility.
Madz Moratillo