DOH nagbabala sa publiko kaugnay ng Sulfur Dioxide exposure at ash fall kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal
Kasabay ng pag-aalburuto ng bulkang Taal, naglabas ng ilang babala ang Department of Health sa publiko.
Isa sa ibinabala ng DOH ay ang panganib ng sulfur dioxide na mula sa bulkan kung ito ay malanghap o dumikit sa balat.
Ayon sa DOH ang panandaliang exposure sa sulfur dioxide ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga kaya delikado ito sa mga may hika at mga bata.
Ilan naman sa mga sintomas ng sulfur dioxide exposure ay pangangati ng balat, pangangati ng mata, mucus secretion, bronchitis, panganib na magkaroon ng impeksyon sa daloy ng paghinga, ubo at hika.
Para naman sa mga nakatira malapit sa Taal, paalala ng DOH iwasang lumabas ng bahay, isara palagi ang pintuan at bintana ng bahay lalo kung ang bahay ay malapit sa bunganga ng Taal, at magsuot ng face mask, proteksyon sa mata at balat.
Kung nakalanghap ng sulfure dioxide, maaari umanong tumawag sa Poison Control Center o malapit na Ospital.
O kaya ay kontakin ang mga sumusunod:
- Batangas Medical Center Poison Control CenterBihi Road, Kumintang Ibaba, Batangas City Contact No. 09218832633; 043-7408307 loc 1104Email: [email protected]
- East Avenue Medical CenterToxicology Referral and Training Center: East Avenue, Diliman, Quezon City Contact No. (02) 89211212, (02) 8928-0611 loc 707,09232711183Email: [email protected]
- UP National Poison Management and Control Center:(02) 8-524-1078 (Hotline) 0966-718-9904 (Globe) 0922-896-1541 (Sun)
Maliban rito, binalaan rin ng DOH ang publiko sa panganib ng ash fall sa kalusugan lalo na sa mga may hika, bronchitis at emphysema.
Ilan umano sa pinsalang maaaring idulot ng ash fall ay iritasyon sa ilong at lalamunan, ubo, pamamaga sa daluyan ng hangin, mahirap at masakit na paghinga, iritasyon sa mata, at problema sa balat.
Kung may ash fall, payo ng DOH, manatili sa loob ng bahay at iwasan makalanghap nito, panatilihing sarado at pintuan at bintana, maaaring mabawasan ang pagpasok ng abo sa bahay sa pamamagitan ng pagsabit ng basang kurtina, kumot o tela sa mga bintana, gumamit ng dust mask o N95 mask, magsuot ng goggles o salamin bilang proteksyon sa mata, kung may alagang hayop, ipasok ito sa loob ng bahay.
Pagkatapos naman ng ash fall, basain ng abo na nasa bakuran para hindi tangayin ng hangin, at linisin ang mga abo sa bubong.
Madz Moratillo