DOH naglabas na ng guidelines sa pagtuturok ng booster shot sa healthcare workers
Nilinaw ng Department of Health na boluntaryo at hindi sapilitan ang pagpapaturok ng booster shot ng COVID-19 vaccine sa mga healthcare worker.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, nananatili parin namang epektibo laban sa malalang infection ang 2 dose ng COVID-19 vaccine na una ng natanggap ng mga ito.
Batay sa inilabas na guidelines ng DOH hinggil sa pagtuturok ng booster shot ng Covid 19 vaccine sa mga health care worker, ang mga brand na pwedeng ibigay bilang ikatlong dose ay mga bakuna ng Sinovac, Pfizer, Moderna at AstraZeneca.
May 2 opsyon ang mga health worker sa pagpapaturok ng booster shot.
Pwede kasi na ang ituturok ay kaparehong brand ng primary vaccine o di kaya naman ay ibang brand na ng bakuna.
Pero babala ng mga eksperto kung ibang brand ng bakuna ang ituturok bilang booster, mas mataas ang risk ng adverse reactions.
Batay sa guidelines ng DOH, kung ang naiturok sa primary dose ay Sinovac at Sputnik V pwedeng magpa booster gamit ang bakuna ng Sinovac, Pfizer, AstraZeneca at Moderna.
Pero kung AstraZeneca, Janssen, Pfizer at Moderna ang iyong primary vaccine, pwede ang kahit alin sa 4 na ito para sa pangatlong dose maliban sa Sinovac.
Inirerekumenda rin nila na kung Astrazeneca ang primary vaccine, mas mabuti kung ibang brand ang ipapaturok sa ikatlong dose.
Bago magpa booster shot, dapat 6 na buwan nanang nakakalipas mula ng matanggap ang 2nd dose ng Pfizer, Moderna, Sinovac, Gamaleya at AstraZeneca vaccines at 3 buwan naman kung bakuna ng Janssen.
Nagpaalala naman ang DOH sa mga LGU na hindi pwedeng iturok bilang booster shot ang primary vaccines na nasa kanila ngayon.
Para naman sa mga kakabayan nating naghihintay ng booster shot, ipinaliwanag ni Dr. Edsel Salvana, ng DOH Technical Advisory Group, na sa ngayon hindi pa ito pwede sa lahat ng miyembro ng populasyon.
Pagkatapos ng mga health worker, isusunod naman sa tuturukan ng booster shot ang mga senior citizen at persons woth commorbidities.
Madz Moratillo