DOH nagpa-alala sa posibleng maging mga sakit ngayong tag-init
Nagpa-alala sa publiko ang Department of Health (DOH) kaugnay sa pagbibilad sa matinding sikat ng araw.
Mula Marso 1 hanggang 27, pumalo sa 47 degrees Celsius ang naitalang pinakamataas na heat index o alinsangan dahil sa mataas na temperature.
Payo ng DOH kung walang mahalgang gagawin, iwasang lumabas sa mga oras na matinding ang sikat ng araw o mula 10AM hanggang 3PM.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Ma. Rosario Vergeire, mayroong level ang heat stroke.
Paalala ni Vergeire, kung hindi maiiwasan lumabas ay magsuot ng sombrero o gumamit ng payong para maprotektahan ang ulo.
Mahalaga rin aniya ang pag-inom ng 8 baso ng tubig o higit pa.
Pero sa mga mahilig sa malamig, paalala ng DOH na tiyaking malinis ang tubig kasabay ng panawagan sa mga local government units o LGUs na ma-monitor ng sanitation officer ang mga panindang palamig upang matiyak na malinis ang maiinom ng kostumer at maiwasan ang gastro intestinal problem sa bansa.
At dahil sa banta ng El Niño, payo ni Vergeire na kung mahihirapang makakuha ng malinis na tubig ay nagbabanta naman ang mga sakit gaya ng Cholera,Typhoid fever, food at water borne disease tulad ng bloody diarrhea at hepatitis.
Isa din sa babantayan ng DOH ang panganib sa pagtaas ng Dengue cases, dahil sa iniipong tubig na maaaring maging breeding sites ng Dengue-carrying mosquitoes.
Madelyn Villar- Moratillo