DOH, nagpaalala sa publiko na huwag muna magpakampante vs COVID-19
Patuloy ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na huwag maging kampante dahil hindi pa lubos na nawawala ang COVID-19.
Katunayan, patuloy pa ring nakapagtatala sa bansa ng mga bagong kaso ng subvariants nito.
Sa pinakahuling genome sequencing na ginawa noong Hunyo 30 hanggang Hulyo 7, may 785 XBB ang natukoy.
Kabilang dito ang 65 XBB.1.5 cases, 206 XBB.1.16 cases, 135 XBB.1.9.1 cases, 35 XBB.1.9.2 cases, at 254 XBB.2.3 cases.
May natukoy din na 20 BA.2.3.20, tig-isang kaso ng BA.2.75 at XBC, at 7 iba pang Omicron sublineage.
Ayon sa DOH, lahat ng XBB subvariants ay local cases mula sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas, habang ang BA.2.3.20 cases ay mula naman sa Regions 1, 2, 3, 4B, 5, 9, 11, 12, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang BA.2.75 naman ay natukoy sa Region 7 habang ang XBC case ay sa Region 12.
Gaya ng orihinal na Omicron, hindi pa naman nakikita na magdudulot ito ng malalang sakit sa mga bakunado kontra COVID-19.
Madz Villar Moratillo