DOH nanindigang walang mali sa mga inilalabas nilang COVID-19 case bulletin kada araw
Nanindigan ang Department of Health (DOH) na walang mali sa kanilang inilalabas na datos kaugnay sa COVID-19 cases sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang statement ay ginawa ng DOH kasunod ng umano’y pagkakaroon ng discrepancy sa number of cases sa Baguio City sa tally ng City Government ng Baguio at inireport ng DOH sa kanilang case bulletin nitong Enero 27.
Batay kasi sa report ng DOH nitong Enero 27, may 121 new cases na naitala sa Baguio City pero kinuwestiyon ito ng Baguio City Health Office dahil 18 lamang umano ang kanilang new cases na naitala sa nasabing araw.
Giit naman ng DOH ang bilang ng mga kaso sa kanilang daily case bulletin ay mga numerong isinumite sa kanila ng DOH Epidemiology Bureau, dalawang araw bago ang nasabing araw na inireport ang partikular na case bulletin at hindi sa mismong araw na iyon.
Ibig sabihin, ang number of cases na inireport ng DOH noong January 27 sa kanilang Case Bulletin ay mula sa mga report na isinumite sa kanila noong Enero 25.
Habang ang number of cases na sinabi ng Baguio City LGU ay batay sa numero na inireport ng Baguio Disease Reporting Units noong Enero 27.
Ang numero na ito ay kailangan munang maberipika ng DOH Epidemiology Bureau at magrereflect sa case bulletin sa Enero 29 pa.
Tiniyak rin ng DOH na ang mga numero na isinusumite sa kanila ay dumadaan sa masusing validation bago nila isapubliko.
Madz Moratillo