DOH: NCR, Regions 3 at 4A, may pinakamataas na kaso ng Covid-19
Nananatiling may pinakamataas na kaso ng Covid-19 ang National Capital Region, Regions 3 at CALABARZON.
Maliban sa mataas na bilang ng mga kaso, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na mataas din ang positivity rate ng nasabing mga rehiyon kasama na ang ibang rehiyon gaya ng CAR [Cordillera Administrative Region], Region 2, at Region 8.
Kasabay nito, sinabi ni Vergeire na masyado pang maaga para ibaba sa Alert Level 2 ang quarantine status sa NCR dahil maaaring ang peak ng mga kaso ay posibleng pumalo pa sa katapusan ng Enero o kalagitnaan ng Pebrero.
Patuloy din aniya ang kanilang monitoring sa Covid-19 situation sa mga probinsiya.
Ayon sa health official, mukhang handa naman ang mga pagamutan sa mga lalawigan dahil na rin sa naging karanasan noong kasagsagan ng surge ng Delta variant cases.
Gayunman, may mga minomonitor aniya ang DOH dahil sa bahagyang kakulangan sa mga Covid-19 bed.