DOH nilinaw na lahat ng edad nakitaan na ng pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 at hindi lang sa mga bata
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na lahat ng age group ay nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at hindi lang sa mga bata.
Sa isang statement, sinabi ng DOH na sa kabuuan ay tumaas ng 59% ang kaso sa lahat ng age groups mula July 13 hanggang 25 kumpara nitong July 26 hanggang August 8.
Sa mga age group, nakitaan ng pinakamataas na kaso ay sa mga nasa edad 30 hanggang 39 habang pinkamababa naman ay sa mga nasa edad 80 pataas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nauunawaan nila ang lumalabas na ulat ngayon na nagsasabing nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ng Covid 19 ang mga bata.
Pero dapat aniyang maunawaan ng publiko, na ang pagtaas na ito ng mga kaso ay sa lahat ng edad at hindi lang sa mga bata.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa mga pasok sa priority list na magpabakuna na kontra Covid-19.
Malaking tulong aniya ang bakuna para maprotektahan din ang mga bata laban sa posibleng pagkahawa sa virus.
“Patuloy po ang aming panawagan sa mga eligible population groups na magpabakuna na. To all adults already eligible for vaccination, please register with your local government units for immediate vaccination while children are not yet being vaccinated. By vaccinating yourselves, you are also protecting the children as you will shield them from possible COVID-19 infection” —USEC Maria Rosario Vergeire
Hanggang nitong Agosto 7, may 11.2 milyon na ang fully vaccinated sa bansa kontra Covid-19.Mahigpit na paalala naman ng DOH sa publiko, tiyaking sumunod sa minimum public health standards sa lahat ng pagkakataon.
Madz Moratillo