DOH nilinaw na malalaman pa rin ng mga magpapabakuna ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na malalaman pa rin ng mga magpapabakuna ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.
Ito ang nilinaw ng DOH kasunod ng kanilang apila sa mga Lokal na Pamahalaan na huwag gamitin ang brand ng bakuna sa pagpo-promote ng kanilang vaccination activities.
Matatandaang nitong nakaraang araw, dinagsa ng mga magpapabakuna ang isang vaccination site sa Maynila kung saan bakuna ng Pfizer ang ituturok.
Ayon sa DOH, hindi naman ibig sabihin na hindi inaanunsyo ang brand ng bakuna na gagamitin sa vaccination site ay hindi na ipapaalam sa babakunahan ang brand na gagamitin sa kanya.
Paliwanag ng DOH, may proseso na sinusunod sa mga vaccination site.
Mayroon rin umanong on-site vaccine education na ginagawa bukod pa sa binibigyan ng vaccination card ang mga nagpabakuna para pagbalik para sa kanilang second dose ay alam ang brand na unang itinurok sa kanila.
Muli namang tiniyak ng DOH na lahat ng COVID-19 vaccine na binigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration ay ligtas at epektibo.
Muling iginiit ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ang pinakamahusay na bakuna ay ang brand na available na.
Payo naman ni Cabotaje sa mga magapapabakuna, kung makatatanggap ng mensahe mula sa LGU hinggil sa schedule ng bakuna at malaman ang brand na ituturok sa kanila, huwag na itong ipagkalat o ipagsabi sa iba.
Nangangamba ang opisyal na maging simula pa ng pagkalat ng transmission ng COVID 19 ang pagdagsa ng tao sa vaccination site.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa mahigit 2.5 milyong indibiwal na sa bansa ang nabakunahan kontra COVID 19.
Habang sa Hunyo inaasahan namang masisimulan na ang pagbabakuna sa mga nasa A4 o essential workers sa NCR Plus.
Madz Moratillo