DOH nilinaw na NCov free pa ang Pilipinas…Batang mula China, inoobserbahan pa rin
Nilinaw ni Health Sec Francisco Duque III na maituturing pa ring 2019 Novel Coronavirus free ang Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng kumpirmasyon ng DOH na may isang 5 taong gulang na batang lalaki mula sa China silang iniimbestigahan dahil sa posibilidad ng pagkakaroon mg 2019 NCov.
Paliwanag ni Duque bagamat isolated ngayon ang bata sa isang pasilidad sa Cebu ay gumaling na ito at may kaunting ubo na lamang.
Ang nanay naman ng bata ay hindi naman nakitaan ng sintomas ng sakit at negatibo din sa virus matapos ang ginawang pagsusuri sa kanya.
Kaya ayon sa Kalihim ay may posibilidad parin na hindi novel corona virus ang tumama sa bata.
Gayunman, sa ngayon hinihintay parin aniya nila ang resulta ng pagsusuri ng laboratoryo sa Australia sa throat sample ng nasabing pasyente.
Una na ring sinuri ng Research Institute for Tropical Medicine ang sample ng nasabing pasyente ay nag negatibo naman ito sa Merscov o Sars…bagamat positibo ito sa non specific pancorona virus.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Duque na ang mga doktor at nurse na sumuri sa bata ay naka-isolate na rin bilang bahagi ng protocol.
Sa ngayon hindi pa rin daw kailangan ang backtracking sa mga nakasalamuha ng bata dahil hindi pa naman kumpirmado kung mayroon itong 2019 NCov.
Kaya naman patuloy ang paalala ng kalihim sa kahalagahan ng tamang hygiene.
Binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay para maiwasang kumalat ang mga sakit. Pero sa paghuhugas ng kamay ay dapat aniyang matagal o dalawampung segundo pataas.
Kung uubo o babahing dapat aniyang gumamit ng tissue o panyo.
Kung nasa confined space naman gaya ng elevator at may umubo pigilin na lang daw muna ang paghinga o mag-exhale.
Ulat ni Madelyn Moratillo