DOH nilinaw na walang dapat ipangamba ang publiko sa African swine flu
Nilinaw ni Health secretary Francisco Duque III na walang banta sa kalusugan ng tao ang African Swine Flu (ASF).
Ang paglilinaw ay ginawa ni Duque para pawiin ang pangamba ng publiko matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture na 14 sa 20 sample ng dugo ng baboy na sinuri ay positibo sa ASF.
Sinabi ni Duque na wala namang dapat ipangamba ang publiko dahil kung ang baboy ay binili sa kilala at mapagkaaktiwalaang tindahan at niluto itong mabuti ay ligtas naman kainin ang karne ng baboy.
Ayon sa World Organization for Animal Health ang ASF ay isang severe at highly contagious viral disease sa mga alaga at wild pigs.
Kumakalat umano ang virus sa mga baboy kung ang isa rito ay nagkaroon ng direct contact sa infected na baboy o nakakain ng contaminated nito.
Ang mga baboy na infected ng ASF ay nakararanas ng mataas na lagnat, kawalan ng gana sa pagkain, pamumula ng tenga, tyan, at binti, pagsusuka at diarrhea na maaaring mauwi sa pagkamatay.
Sa ngayon ay wala pa umanong bakuna o gamot sa ASF.
At dahil madali itong mapasa, ang mga hog raiser ay pinapayuhan na huwag magpakain ng hindi gaanong luto na pakain sa mga baboy at dapat na ihiwalay ang mga may sakit na baboy mula sa ibang alaga.
Ugaliin ding maghugas mabuti ng kamay pagkagagaling sa farm o palengke at hugasan ang sapatos, o gulong ng sasakyan kung galing sa pig farm.
Ulat ni Madz Moratillo