DOH nilinaw na walang lalawigan na itinaas sa Alert Level 2
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang lalawigan o lungsod sa bansa ang itinaas sa Alert level 2 mula sa level 1.
Ginawa ng DOH ang paglilinaw kasunod ng rekomendasyon ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na ilagay sa Alert Level 2 ang 26 na lalawigan hanggang April 30,2023.
Sa statement sinabi ng DOH na ang mga nasabing lalawigan ay pinanatili lang sa Alert Level 2 status mula noong Hunyo ng nakaraang taon hindi dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 kundi dahil sa mababang vaccination coverage sa kanilang A2 categories o mga senior citizen.
Kaya patuloy ang panawagan ng DOH sa publiko, lalo sa mga nakatatanda na magpabakuna at magpabooster na kontra COVID-19.
Ayon sa DOH, nasa 7.2 milyon na senior citizen pa lang ang fully vaccinated sa buong bansa, habang 2.9 milyon lang sa kanila ang mayroong booster.
Ang iba pang natitirang bahagi ng bansa ay mananatili naman sa Alert Level 1.
Sa ilalim ng Alert Level 2, ang mga establishments at indoor activities ay pinapayagan hanggang sa 50% capacity habang 70% capacity naman sa outdoor.
Madelyn Moratillo