DOH, nilinaw sa publiko na hindi nakukuha ang HIV sa pagkain ng isda
Nangangamba ang maraming Filipino dahil kamakailan lang ay lumaganap sa Social Media na maaaring makuha umano ang sakit na Human Immunodeficiency Virus o HIV dahil sa pagkain ng isda mula sa kontaminadong tubig.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga nababasa sa social media at mahalagang i- double check muna ito.
Sa isang panayam kay Health Secretary Francisco Duque III, nilinaw niya na ang virus na sanhi ng HIV-AIDS ay hindi nabubuhay sa labas ng katawan ng tao.
Kung mapunta man umano sa tubig na maasin at maarawan ang virus, hindi daw ito pwedeng lumipat sa isda, kaya nga tinawag na Human Immunodeficiency Virus.
Ayon pa kay Duque, bagaman sa ating bansa ay tumataas ang bilang ng kaso ng HIV-AIDS, tuloy-tuloy naman daw ang mga hakbang na ginagawa ng kagawaran upang ito ay mapababa.
Dagdag pa ng kalihim, dahil daw sa social media, marami nang mga taong empowered maglagay ng kung anu-ano at ang mga taong walang ginagawa ay pini-pick up ito at kinakalat din.
Dapat daw magsipag ang Filipino, gumawa ng mga bagay na makakatulong sa halip na magbibigay daw ng takot o pangamba sa kapwa tao tungkol sa naturang sakit.
Ulat ni Belle Surara