DOH, NTF at FDA binalaan ang publiko laban sa mga nagbebenta ng umano’y COVID-19 vaccines na mayroon ng EUA
Hindi pa maaaring ibenta sa merkado ang mga COVID-19 vaccine na nabigyan na ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration dito sa Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ng Department of Health (DOH), National Task Force against COVID-19 at FDA sa isang joint statement kasunod ng ulat na may ilang indibidwal at institusyon na nagbebenta ng mga umano’y COVID-19 vaccines na nabigyan na ng EUA.
Sa isang statement, sinabi ng DOH, NTF at FDA na mahigpit pang ipinagbabawal ngayon ang pagbebenta sa merkado ng COVID-19 vaccines kahit pa may EUA na ito.
Giit nila ang EUA ay hindi katumbas ng Certificate of Product Registration o market authorization.
Kahit kasi tapos na sa phase 3 ng clinical trial ay patuloy parin ang pag aaral sa mga bakuna na ito.
Dahil EUA pa lamang ang ibinibigay sa mga bakuna na ito, gobyerno lamang ang maaaring bumili nito.
Ang mga lokal na pamahalaan naman ay pumasok sa Tripartite Agreement kasama ang DOH at NTF para makabili rin ng bakuna.
Kaya naman binalaan rin nila ang publiko sa panganib na maaaring idulot ng mga ibinebentang COVID-19 vaccines umano.
Wala kasi umanong kasiguruhan sa kaligtasan at kalidad ng mga bakuna na ito at maaaring peke ito o hindi dumaan sa tamang temperatura.
Matatandaang una ng sinabi ng DOH na mahalaga ang cold chain sa mga bakuna dahil ang bawat brand ay mayroong partikular na temperaturang kinakailangan para sa storage nito.
Ang maling paghandle nito ay maaaring makaapekto sa efficacy ng bakuna.
Sa ngayon ang mga nabibigyan pa lamang ng EUA ng FDA dito sa bansa ay ang COVID-19 vaccines ng Pfizer BioNTech at AstraZeneca.
Madz Moratillo