DOH, pag-aaralan ang kahilingang maisama sa Vaccination Priority list ang mga Election officer
Tiniyak ng Department of Health (DOH) na pag-aaralan nilang mabuti ang panawagan na maisama ang mga Election officer na nagsisilbi para sa paghahanda sa nalalapit na halalan sa mga prayoridad na mabakunahan kontra COVID 19.
Ginawa ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang pahayag kasunod na rin ng panawagan ng Commission on Elections na maisama sa prayoridad mabakunahan ang mga Election officer dahil maituturing rin silang frontliners.
Ngayong nasa General Community Quarantine na uli ang National Capital Region at iba pang lugar na una ng inilagay sa mahigpit na restriction ay balik na uli ang Voter registration.
Nitong Abril, nasawi dahil sa COVID 19 ang Provincial Election supervisor ng Cavite.
Sa ngayon ang prayoridad pa lamang mabakunahan ay mga nasa A1 hanggang A3 o mga Medical frontliner, Senior Citizen at Person with Comorbidity.
Ayon kay Cabotaje, pag-aaralan nila ito at pagkatapos ay saka ilalahad sa Inter Agency Task Force.
Ang Voter registration ay matatapos sa Setyembre 30 ng taong ito.
Madz Moratillo