DOH, pagpapaliwanagin ng Kamara sa nasayang na milyong doses ng anti COVID-19 vaccine dahil nag-expired
Ipatatawag ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Department of Health o DOH para sa isang congressional inquiry kaugnay ng mga hindi nagamit at nag-expire na milyon-milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng pandemya.
Dahil dito inihain ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang House Resolution 191 na naglalayong imbestigahan ng House Committee on Health ang DOH dahil nasayang ang maraming anti COVID-19 vaccine na ginastusan ng bilyong pisong pondo ng pamahalaan.
Ayon kay Libanan, target ng DOH na makapagturok ng COVID-19 booster shots sa 11 hanggang 23 milyong fully vaccinated na mga indibidwal sa ating bansa sa unang 100 araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi pa nito na may mga report na mula noong Abril hanggang Hulyo ngayong 2022 nasa 4 na milyon hanggang 27 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang hindi nagamit at na-expire lamang na ang halaga ay aabot sa lima hanggang labing tatlong bilyong piso.
Inihayag ni Libanan na kailangang umaksyon ang pamahalaan upang mabawasan ang vaccine wastage at maging transparent ang paglalabas ng ulat ukol sa mga napapasong bakuna para matukoy ang dahilan at magpatupad ng epektibong intervention.
Sa pinakahuling ulat ng DOH, mula sa mahigit 200 million doses ng bakuna na donasyon o kaya’y binili ng gobyerno nasa 6.6 percent ang vaccine wastage na sinasabing pasok pa rin sa standards ng international organizations gaya ng World Health Organization o WHO.
Vic Somintac