DOH: Pilipinas, nasa low risk classification ng COVID-19
Nananatili paring nasa low risk category ng COVID- 19 infection ang buong bansa.
Pero sa pinakahuling monitoring, dalawang rehiyon na sa bansa ang umakyat sa moderate risk classification.
Maliban sa National Capital Region na ang average daily attack rate ( ADAR) ay nasa 8.67, nasa moderate risk na rin ang Cordillera Administrative Region na may 6.10 ADAR.
Ang CALABARZON naman umakyat na sa 4.8 ang ADAR na malapit na sa moderate risk.
Nitong nakaraang linggo, nakapagtala ang Department of Health ng 25,967 cases sa buong bansa o 3,710 kada araw.
Pero ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, pagsapit ng Agosto 15 pwedeng umabot ng 4,400 ang arawang kaso ng COVID- 19 sa bansa o 6,194 sa katapusan ng buwan.
Habang kung mas marami pa aniya ang patuloy na hindi susunod sa health protocol at mababa parin ang nagpapabakuna at nagpabooster pwedeng pumalo sa 90 libo ang kaso ng COVID- 19 sa bansa sa katapusan ng Agosto.
Ayon sa DOH, sa iba pang bahagi ng Luzon mabilis ang pagtaas ng mga kaso kung saan mahigit 1 libo na ang naitalang kaso kada araw habang nakitaan naman ng pagkakaroon ng plateau ang Mindanao.
Samantala, iniulat ng DOH na nadagdagan pa ang mga kaso ng iba pang Omicron subvariants sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ng 95 bagong BA.5 cases, pero 83 naman sa kanila nakarekober na habang naka isolate ang lima.
May 7 bagong kaso naman ng BA.4 pero lahat sila ay nakarekober narin.
At 2 bagong kaso ng BA.2.12.1 pero nakarekober na rin ang mga ito.
Madelyn Villar-Moratillo