DOH pormal ng sumulat sa PRC para sa imbestigasyon ng invalid prescription ng Ivermectin sa Quezon City
Kinumpirma ni Health Usec Ma Rosario Vergeire na pormal ng lumiham ang Department of Health sa Professional Regulation Commission para hilingin na imbestigahan ang mga ulat ng invalid prescription ng Ivermectin.
Partikular na tinukoy ng DOH ang pangyayari noong nakaraang linggo sa Quezon City kung saan nagkaroon ng pamamahagi ng Ivermectin.
Ang mga nabigyan ng Ivermectin binigyan umano ng reseta pero hindi naman kumpleto ang impormasyon patungkol sa manggagamot na nagbigay ng reseta o prescription.
Ayon kay Vergeire, kasama sa isinumite nilang liham ay mga anecdote patungkol sa invalid prescription at mga report patungkol rito.
Kaugnay nito, nagsasagawa narin aniya ng parallel investigation ang Food and Drug Administration hinggil rito.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sa ilalim ng batas dapat ang isang reseta o prescription ay dapat naglalaman ng mga detalye gaya ng pangalan ng pasyente, instructions patungkol sa inireseta, pangalan ng doktor, pirma nito, license number nito at tax receipt number ng nagresetang doktor.
Madz Moratillo