DOH Sec. Duque at Execomm ng Philhealth, itinuro ng isang Regional official na may kinalaman sa mga anomalya sa ahensya
Lumutang na sa pagdinig ng Senado ang isang Regional Vice-President ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) para patunayan ang katiwalian sa ahensya.
Sa pagdinig ng Senate committee of the whole, itinuro ni Philhealth Regional Vice-President Dennis Adre ang mga miyembro ng Executive Committee ng Philhealth na umano’y mga miyembro ng Mafia na kumukulimbat umano ng pondo ng ahensya.
Binatikos nito si Philhealth legal chief Rodolfo del Rosario Jr. dahil sa hindi pag-aksyon sa maraming kaso ng katiwalian na nakapending sa kaniyang tanggapan.
Sabi ni Adre paulit-ulit ang pagsisinungaling ni Del Rosario sa mga pagdinig ng Senado at Kamara.
May alam rin aniya si Health secretary Francisco Duque III sa mga nangyayaring iregularidad sa ahensya.
Isa sa tinukoy nito ang Plan 5 million noong 2004 na naging dahilan ng major financial losses ng Philhealth.
Nang tanungin ng mga Senador ang mga opisyal ng Philhealth, wala umano silang alam at i-che-check ang mga impormasyong binaggit ni Adre.
Dahil dito, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na ang pagdinig ay napaliligiran ng mga sinungaling at manloloko.
Ginamit pa nito ang pahayag ng aktres na si Susan Roces na ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.
Ayon sa senador, maaring maharap sa kasong Perjury at Malversation of Public funds sina Philhealth CEO Ricardo Morales, senior Vice-President Renato Limsiaco Jr. dahil sa non-witholding ng buwis mula sa cash advance nang ipatupad ang Interim Reimbursement Mechanism.
Paulit-ulit aniyang nagsinungaling si Limsiaco sa pagdinig ng Senado nang sabihing hindi nya alam na kailangang magbayad ng buwis.
Taliwas ito sa Memorandum Circular na nilagdaan ni Morales noong August 7 kung saan nakasaad na nakapag-remit na ito ng 2% ng buwis sa BIR at galing umano ang buwis na ito sa na-release na pondo ng IRM sa HCIS hanggang July 31, 2020.
Kung susundan aniya ang argumento ni Limsiaco na wala pang buwis na nakokolekta sa mga ospital, bukod sa pagsisinungaling, inutusan pa nito kasama si Morales ang mga Regional VP na mag-commit ng krimeng falsification of public documents.
Senador Lacson :
“Malamang maliligo kayo ng kaso kapag ibinahagi na ni Senate Pres. Tito Sotto kay Justice secretary Menardo Guevarra ang lahat na records ng proceedings ng pagdinig na isinasagawa namin ngayon”.
Ulat ni Meanne Corvera