DOH Sec. Duque nagpasaklolo na sa mga Kongresista kaugnay ng nakaambang imbestigasyon ng Senado laban sa kanya
Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na humingi na ng tulong si Health Secretary Francisco Duque III sa isyu ng ikinakasang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga anomalya sa Department of Health (DOH).
Kaugnay ito ng mga ibinunyag niyang anomalya laban kay Duque at mga pinasok na kasunduan ng kumpanya ng kaniyang pamilya sa DOH.
Ayon kay Lacson, nakatanggap siya ng impormasyon na nag-iikot at nakikipagpulong si Duque sa mga Kongresistang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Inaasahan na ni Lacson na dahil sa insidente bubuhayin ang isyu laban sa kanya kabilang na ang mga isinampang kaso laban sa kanya na naibasura na.
Sa kabila nito, wala aniyang balak ang Blue Ribbon Committee na itigil ang anumang imbestigasyon sa isyu.
Nagpasabi na aniya ang kalihim na hindi darating sa pagdinig sa susunod na linggo dahil abala sa pag-iikot sa Dengue outbreak .
Paalala naman ni Lacson may kapangyarihan ang Komite na isubpoena at ipaaresto si Duque kung patuloy na iisnabin ang imbestigasyon ng Senado.
Ulat ni Meanne Corvera