DOH tinawag na iresponsable ang mga health professional na nagpapakalat ng maling impormasyon sa Covid-19 vaccine
Muling tiniyak ng Department of Health na ligtas at nagbibigay ng proteksyon ang mga bakunang ginagamit sa bansa upang hindi maospital o mamatay ang isang indibiwal kahit tamaan ito ng Covid 19.
Sa isang statement, sinabi ng DOH na mas lumalawak ngayon ang real-world evidence sa buong mundo hinggil sa effectivity ng Covid 19 vaccine.
Ayon sa DOH, sa kabila ng pagtaas ng Covid 19 cases at hindi naman tumataas ang porsiyento ng mga nao-ospital o namatay dahil virus.
Kasabay nito, kinondena at tinawag na iresponsable ng DOH si Dr. Romeo Quijano, isang retired professor sa UP College of Medicine, dahil sa pagbibigay umano ng maling impormasyon patungkol sa bakuna lalo na at nahaharap ngayon sa banta ng Delta variant ang bansa.
Sa isang radio interview, sinabi ni Quijano na mas delikado ang Covid 19 vaccine kaysa sa mismong virus.
Kinastigo rin ng DOH ang mga media outlets na pinapayagan ang mga nasabing health professionals na magamit ang kanilang plataporma para magpakalat ng maling impormasyon na maaaring makasama.
Paalala ng DOH sa lahat, maging maingat at responsable sa pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko.
Ayon naman kay Dr. Edsel Salvana, na isa ring infectious disease specialist, walang dapat ikatakot ang publiko dahil ligtas ang mga bakuna kontra Covid-19 na ginagamit sa bansa.
Sa mahigit 4.54 bilyong doses ng Covid-19 vaccine na naiturok aniya sa buong mundo, napakabihira ng naitalang kaso na nagkaroon ng adverse reaction at iniimbestigahan kung ito ba talaga ang dahilan ng pagkasawi ng pasyente.
Dr. Ed Salvaña FB post:
“4.54 billion doses of COVID-19 vaccines worldwide have been given. Severe side effects are EXTREMELY RARE and only a handful of adverse reactions are being investigated as having possibly contributed to the death of a patient“.
Habang nasa 205 milyon katao na aniya ang naapektuhan ng virus sa buong mundo at nasa 4.3 milyon naman ang nasawi.
Giit ni Salvana, ang bakuna lang ang solusyon sa Pandemya dulot ng Covid 19 at napatunayan namang milyun-milyong buhay na ang nailigtas nito.
“Vaccination is the only acceptable solution to this pandemic. Vaccines are a public good that have already saved millions of lives. Please get vaccinated to protect yourself and others.” – Dr. Ed Salvaña
Madz Moratillo