DOH tiniyak ang mahigpit na border monitoring sa bansa kasunod ng mga bagong variant ng Covid-19
Upang matiyak na walang Delta at iba lang variant ng COVID-19 ang makapapasok, mas pinaigting pa ang ipinatutupad na biosurveillance sa borders ng bansa.
Ayon sa Department of Health, lahat ng dumarating na pasahero mula sa ibang bansa na nagpositibo sa Covid-19 ay awtomatikong isinasailalim sa genome sequencing ang kanilang samples.
Sa pamamagitan ng genome sequencing ay matutukoy kung mayroong Variant sa isang positive sample.
Pero paglilinaw ng DOH, depende pa rin ito sa CT value kung mataas ang viral load na nakita sa isang sample.
Pero wala naman umanong dapat ikabahala ang publiko dahil kahit hindi naman maisalang sa sequencing, ang mahalaga lahat ng dumarating na pasahero sa bansa ay sumasailalim sa mahigpit na quarantine, testing at isolation protocol sa bansa.
Malaking bagay umano ito para mapigilan ang pagkalat ng Covid 19 sa mga komunidad may Variant man ito o wala.
Sa datos ng DOH, umabot na sa 1,313,450 returning overseas Filipinos ang dumating sa bansa mula ng magsimula ang Pandemya.
Sa bilang na ito, 19,379 ang nagpositibo sa Covid 19.Sa nasabing bilang, 228 ang naka admit pa, habang nakarekober naman na ang 19,133 at nasawi naman ang 18.
Madz Moratillo