DOH tiniyak na bukas sa mga imbestigasyon sa paggamit ng kanilang pondo
Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na bukas sila at handang ipakita kung kinakailangan ang lahat ng pinagkagastusan ng Department of Health.
Ang pahayag ni Duque ay kasunod ng pahayag ng Commission on Audit (COA) na may deficiency sa paggamit ng kagawaran ng 67.3 bilyong pisong pondo nito para sa Covid-19.
Giit ni Duque, tama ang mga pinagkagastusan nila ng mga buwis at lahat ng 67.3 bilyong piso na ito ay accounted for.
Binigyang-diin ni Duque na walang nakurakot sa pondo at nagamit lahat ito para sa pagbili ng test kits, Personal Protective Equipment, pambayad sa benepisyo ng mga health worker, suweldo nila at iba pa.
Ipinaliwanag pa ni Duque na sa 79.7 billion COVID funds na natanggap ng DOH batay sa COA report, ang 68.9 billion rito ay ginamit hanggang noong December 31, 2020 para sa COVID-19 response ng gobyerno.
Matapos umanong maipasa ang Republic Act 11519 na nagpalawig sa pondo sa ilalim ng Bayanihan II, nagamit parin ang natitirang pondo hanggang ngayong taon.
Madz Moratillo