DOH tiniyak na ligtas ang COVID 19 vaccines na ginagamit sa bansa
Tiniyak ng Department of Health na lahat ng COVID-19 vaccine na ginagamit sa bansa ay ligtas at epektibo.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, lahat naman ng bakuna bago inaprubahang magamit sa bansa ay dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto.
Una rito, napaulat na sa Indonesia ay may mahigit 300 health workers na nabakunahan ng COVID- 19 vaccine ng Sinovac ang naospital na pinaniniwalaang dahil umano sa delta variant.
Ayon kay Vergeire, kung titingnan ang artikulo patungkol sa nasabing balita ay hindi naman kumpleto ang impormasyon na nakasaad rito.
Kailangan aniyang maging maingat sa pag-interpret ng mga datos dahil mahalagang malaman rin kung ilang health workers roon ang nabakunahan upang maikumpara ang numero.
Batay aniya sa real world study, lahat ng bakuna na ginagamit sa mundo ngayon ay pantay pantay lang ang effectiveness.
Bukod rito, ang Sinovac Vaccine ay kasama na rin sa Emergency Use Listing ng World Health Organization.
Patungkol naman sa napaulat na paglimita ng Australia sa paggamit sa AstraZeneca vaccines sa mga indibiwal na nasa 60 pataas dahil sa napaulat na blood clotting incidents roon.
Binigyang diin ni Vergeire na wala pang naitatalang kaso ng rare blood clotting sa mga naturukan ng Astrazeneca vaccine dito sa bansa.
Sa ngayon, tuloy parin aniya ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca dito sa bansa.
Sa datos ng DOH hanggang nitong June 6, 0.68% lamang sa mga nabakunahan ang nagkaroon ng adverse effects.
Ang 98% rito ay non-serious habang 1.89% lamang ang serious na agad rin naman aniyang natugunan.
Karaniwan naman aniya sa mga non serious adverse effects na naitala ay chills, fatigue, lagnat, pananakit sa lugar kung saan tinurukan at nausea.
Madz Moratillo