DOH tiniyak na susundin ang preventive suspension na ipinataw ng Ombudsman sa 5 nilang opisyal
Tiniyak ng Department of Health na handa silang sundin ang inilabas na preventive suspension ng Ombudsman laban sa ilang opisyal nila.
Una rito, limang opisyal ng DOH ang pinatawan ng preventive suspension ng Ombudsman kaugnay ng kabiguan umanong mai- release ang benepisyo ng mga health workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, kahapon ay natanggap nila ang desisyon ng Office of the Ombudsman hinggil rito.
Aminado ang opisyal na nalulungkot sila na sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon na abala ang DOH sa paglaba health crisis dulot ng COVID-19 pandemic ay nangyari ito.
Pero umaasa aniya sila na matatapos ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon para makabalik sa trabaho ang mga nasabing opisyal.
Kaugnay nito iginiit rin ni Vergeire na hindi ibig sabihing napatawan ng preventive suspension ay pinarusahan na ang kanilang mga opisyal.
Isa lamang aniya itong legal process na ginagawa para matiyak na walang magiging impluwensya ang mga nasabing opisyal habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Tiniyak rin ni Vergeire na suportado nila ang kanang mga opisyal na ilang dekada na sa DOH.
Madz Moratillo