DOH, tiniyak na wala pang Lambda variant na nakapasok sa Pilipinas
Wala pang kaso ng Lambda variant ng COVID- 19 ang nakakapasok sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod ng mga pangamba na makapasok rin sa bansa ang variant na ito dahil sa mabilis na pagkalat nya sa iba’t ibang bansa.
Sinabi ni Duque na sa mahigit 7 libong sample na isinailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center ay walang natukoy na Lambda variant.
Ang Lambda o C.37 variant ay unang natukoy sa Peru.
Pinaniniwalaang mas transmissible ito o mabilis makahawa at maaari umanong magdulot ng surge ng COVID 19 infection.
Kalat na rin umano ito sa 35 bansa.
Paliwanag naman ni Duque, ang Lambda variant ay hindi pa kasama sa itinuturing na variant of concern ng World Health Organization.
Sa ngayon, ito ay nasa kategorya aniya ng variant of interest pa lamang.Pero kahit naman hindi pa ito kasama sa Variant of concern, kailangan parin aniyang bantayan ito at tiyaking hindi makakapasok sa bansa.
Sa ngayon, ang mga Variant of concern na nakapasok na dito sa bansa ay Delta variant na unang natukoy sa India, Alpha variant na unang natukoy sa United Kingdom, Beta variant na unang natukoy sa South Africa, at Gamma variant na unang natukoy naman sa Brazil.
Sa mga VOC na ito, wala ng aktibong kaso ang Delta at Gamma variant habang may 12 active cases pa ang Beta variant at 7 active cases naman ang Alpha variant.
Patuloy naman ang paalala ng Department of Health sa publiko na magpabakuna na kung may pagkakataon na at mahigpit na sundin ang minimum public health standards para makaiwas at mapigilan ang pagkalat ng COVID- 19.
Madz Moratillo