DOH, umapila sa mga LGU na paigtingin ang monitoring ng Covid-19 cases kasunod ng pagkakaroon ng mga bagong mutation sa bansa
Umapila ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang monitoring ng mga kaso ng Covid-19 infections sa kanilang lugar.
Ayon sa DOH, kung may makitang biglang pagtaas ng mga kaso ito ay dapat agad inirereport sa kanila.
Ang panawagan ay ginawa ng DOH kasunod ng namumuong transmission ng natuklasang N501Y at E484K mutations sa Region 7.
Batay sa pinakahuling resulta ng sequencing ng Philippine Genome Center mula sa rehiyon, tatlo sa mga sample na kanilang sinuri ay nakitaan ng mga nasabing mutation.
Ayon sa DOH, inihahanda na nila ang report hinggil sa nasabing findings upang maipadala sa World Health Organization at Global Initiative on Sharing All Influenza Data upang makatulong sa mga pag-aaral sa SARS-COV-2 virus at magamit rin ng mga vaccine manufacturers sa recalibration ng kanilang bakuna upang masigurong epektibo talaga ito sa COVID-19.
Una rito, inulat ng DOH na umakyat na rin sa 62 ang UK Variant cases sa bansa.
Madz Moratillo